Wilson, Cardona namayani para sa ika-sampung panalo ng San Juan

  • Aug 19, 2019
  • BASKETBALL

Nagtala ng bagong rekord ang San Juan Knights - Go For Gold powered by Cherry Mobile matapos makuha ang ika-sampung dikit na panalo sa Maharlika Pilipinas Basketball League Lakan Cup. Ang Cebu City Sharks-Casino Ethyl Alcohol ang kanilang naging biktima sa iskor na 88-69 sa laban na ginaganap sa Cuneta Astrodome sa lungsod Pasay.

Muling nakamit ni John Wilson ang karangalan na maging pinakamagaling na manlalaro matapos magtala ng 23 puntos, pitong rebound, dalawang assist, at tatlong agaw. Sinegundahan naman ito ni Mark Cardona na may 16 na puntos, limang rebound, dalawang assist, at dalawang agaw. Nagdagdag ng 12 puntos at walong assist si Mike Ayonayon samantalang may sampung puntos, 11 rebound, anim na assist, at dalawang agaw si Jhonard Clarito.

Naging dikit ang simula ng laro nang matapos ang unang yugto na may isang puntos na kalamangan lamang ang koponan ni Coach Randy Alcantara, 20-19. Dumistansya naman ang Knights matapos nito sa pamamagitan ng 8-0 scoring run upang itaas ang kalamangan sa siyam, 28-19. Hindi na muling nakahabol pa ang Sharks sa laro at patuloy na dinagdagan ng defending MPBL champions ang kanilang bentahe.

Si Edrian Lao ang namuno sa Sharks na may 14 na puntos. Sinuportahan siya nila Joel Yu at Nichole Ubalde na may tig-sampung puntos para sa koponan ni Coach Norberto Manalili. May siyam na puntos naman si Jeff Coronel ngunit si Patrick Cabahug ay mayroon lamang dalawang puntos sa loob ng 14 minuto ng paglalaro.

Susubukan sungkitin ng Knights ang kanilang ika-11 panalo sa kanilang laro kontra sa GenSan Warriors sa Agosto 24, 6:30 ng gabi sa San Andres Sports Complex sa Maynila. Nalaglag naman ang Sharks sa 4-6 at muli silang maglalaro sa Agosto 29 laban sa defending South Division champions Davao Occidental Tigers-Cocolife.

(Photo credit: Tempo.com.ph)