Warriors, tinapos ang win streak ng Knights

  • Aug 23, 2019
  • BASKETBALL

Bagamat nagkaroon sila ng labing-isang puntos na kalamangan matapos ang unang hati ng laro, bigo ang San Juan Knights – Go for Gold powered by Cherry Mobile na makuha ang kanilang ika-11 sunod na panalo nang magapi sila ng GenSan Warriors – Burlington sa iskor na 97-91 sa pagpapatuloy ng Maharlika Pilipinas Basketball League Lakan season sa Muntinlupa Sports Center.

Ngunit, hindi naman sumuko ang mga manlalaro ni Coach Randy Alcantara na madugtungan ang kanilang magandang simula. Nahabol ng Knights ang 12 puntos na kalamangan ng Warriors na may apat na minuto pa ang nalalabi sa laro. Subalit, bumawi sina Mike Williams at Robby Celiz para sa Warriors upang makuha ang kanilang ika-siyam na panalo sa 11 laro.

Bagamat nagtapos ang parehong koponan na nai-shoot ang 47.9% ng kanilang mga tira, umangat naman ang Knights sa mga field goal na may katumbas na dalawang puntos (55.3% - 49%). Bumawi naman ang Warriors sa mga tira na nagkakahalagang tatlong puntos (45.8% - 33.3%)

Si Celiz ang hinirang na pinakamagaling na manlalaro sa pamamagitan ng kanyang 27 puntos, walong rebound, tatlong assist, dalawang agaw, at dalawang tapal. Sinegundahan naman siya ni Williams na may 23 puntos, anim na rebound, at walong assist. Nagdagdag naman ng tig-16 na puntos sina John Orbeta at Pamboy Raymundo para sa koponan ni Coach Rich Alvarez.

Muling pinanguhanan ni John Wilson ang atake ng Knights sa kanyang 29 puntos, walong rebound, apat na assist, tatlong agaw, at dalawang tapal. May labing-pitong puntos naman si Mike Ayonayon samantalang nagtala ng labing-apat na puntos at labing-apat na rebound si Larry Rodriguez.

Susubukan bumawi ng Knights sa kanilang susunod na laro kontra sa Marikina Shoemasters sa ika-2 ng Setyembre sa kanilang tahanan na Filoil Flying V Centre. Samantala, nais naman sungkitin ng Warriors ang kanilang ika-walong sunod na panalo sa ika-31 ng Agosto laban sa Imus Bandera – Khaleb Shawarma.

(Photo credit: Maharlika Pilipinas Basketball League Media Bureau)