SAN JUAN GAME LOG #13: Knights umeskapo sa Basilan para sa sandosenang panalo

  • Sep 14, 2019
  • BASKETBALL

Kahit wala ang kanilang head coach ay walang problema para sa San Juan Knights para sa kanilang ika labing dalawang panalo sa MPBL Lakan Season, makaraang umeskapo laban sa Basilan Steel, 89-86 ngayong Biyernes ng Gabi sa Olivarez College sa Parañaque.

Bagaman na yumanig sa kalakahang Maynila ang isang lindol na galing sa Quezon, hindi nagpatinag ang naghaharing kampyon, at ginamit pa nila ang kanilang puso para manaig sa kanilang biktima matapos pang manlaban sa huling yugto ng labanan.

Kumanada na naman si John Wilson ng 26 puntos para sa San Juan, na pumartida pa dahil rumelyebo ang dating Knight na si Gherome Ejercito para kay head coach Randy Alcantara habang ito'y nagmamando para sa Mapua na umeskapo din sa double overtime laban sa Letran kanina sa NCAA.

Sumunod kay Wilson ay sina Larry Rodriguez at Mike Ayonayon na may tig-isang dosenang puntos, at si Andoy Estrella na kumana ng onse.

Malaki din ang naitulong ni Jhonard Clarito kahit siyam na puntos lang ang kanyang naiambag, salamat sa kanyang matinik na depensa dahilan para makapagnakaw siya ng pitong beses.

Akala nga ng San Juan na nasa kanila na ang panalo nang lumamang pa sila ng kinse sa huling yugto, nang humabol pa ang Basilan sa tulong nina Hesed Gabo at Gab Dagangon na tumira ng malalaking basket para makuha ang 86-85 na lamang sa huling 58 na segundo.

Pero hinabol ito nina Wilson at Ayonayon para maselyuhan ang tagumpay, pati na rin ang huling pagtangay ni Clarito kay Dagangon sa huling 28 segundo para manatili sa tuktok ng North division.